Sunday, May 24, 2015

Memories last forever in our hearts

Sa simpleng bagay ay nagagawa ko nang maging masaya. Pero, may isang pangyayari sa buhay ko na sumubok ng katatagan ko bilang tao.
            Extended family po kaming nakatira sa bahay at isa nga po sa kasama namin sa bahay ay ang lola ko. Talagang malapit po kami ni lola dahil siya po ‘yung nag-aasikaso sa amin. Siya po ang gumigising sa umaga para ipaghanda ako, nagluluto ng ulam naming, naghahatid at nagsusundo sa akin sa eskwela noong ako’y elementarya pa lamang. Palagi po kaming nakakapag-bonding tuwing naglalakad kami papunta sa school. Kapag po may dumadaang mga magagandang sasakyan sinasabi po niya sa akin na pagbutihin ko daw po ang pag-aaral ko para balang-araw maisakay ko din daw po siya sa ganoong kagarang sasakyan. Lagi din po niya akong binibiro na ang tagal naman daw dumating ng panahon na ililibre ko siya sa tindahan ng biscuit at softdrinks. Natatawa na lang po ako kasi iniisip ko ang babaw ni lola. Isang araw, humingi po ako ng pera kay mama at nilibre ko si lola ng biscuit at softdrinks. Tinawanan niya lang po ako. Ang ibig daw po niyang sabihin ay ilibre ko siya sa unang sweldo ko, yun bang perang pinaghirapan ko na mismo.
            Mahal ko po ang lola ko kaso nga lang madalas po akong sakit ng ulo sa kanya. Madalas po kasi ay tamad ako at matigas ang ulo, siyempre bata pa hindi pa gaanong malawak ang isip ko. Yun nga lang, hindi ko sinasabi sa kanya kasi po hindi po ako sanay na pinapakita ko yung nararamdaman ko. Hanggang sa isang araw, huli na ang lahat. Nakatanggap po ng text ni mama na patay na daw po si lola sa edad na hindi pa maituturing na senior citizen. Noong mga panahong iyon ay umuwi siya ng probinsya kaya wala siya sa aming bahay. Mula sa mahimbing kong pagkakatulog, nagising po ako sa iyak ni mama. Wala na pong kailangang sabihin pa si mama sa akin noon, alam ko na po dahil sa usapan nila ni lolo sa telepono. Wala na ang lola ko. Wala na siya, ang lola kong palagi kong kasama na parang kahapon lang nakikita ko pang nakangiti. Wala na siya, hindi ko na maririnig ang boses niya. Wala na ang lola ko.
Ang hirap pong tanggapin. Ako po yung pinakamalapit na apo niya. Nagsisisi po ako sa lahat. Sayang yung oras noong nandito pa siya. Hindi ko manlang nasabi sa kanya na “La, thank you po sa lahat, sorry sa mga nagawa ko, I love you”. Kahit anong iyak ko pa sa kabaong niya, kahit ilang I love you pa sabihin ko, wala na. Hindi na niya ako maririnig. Hindi na siya makakasagot. Siguro nga po oras na niya talaga. Masaya na po siguro siya doon sa itaas kasama si Lord, wala na siyang nararamdamang sakit.
Sa totoo lang po, matagal na panahon bago kami makapag-adjust sa bagong buhay na wala siya. Pero kahit ganoon, nag-iwan naman siya ng masasayang alaala. It takes time to heal wounds. Memories last forever in our hearts. Kung mayroon man po akong lesson na natutunan sa nangyari, ito ay yung dapat tayong magpahalaga sa oras. Oo nga at nandyan pa ang mga mahal natin sa buhay, pero kahit anong oras maari silang mawala sa atin. Dapat bawat segundo pinapahalagahan. Sabihin na ang mga nais sabihin, hindi yung kailang wala na siya tsaka mo lang sasabihin. Huwag nating hintayin na tska mo lang malalaman ang halaga ng isang tao kapag nawala na siya sa iyo. We should treasure every moment. Dahil po sa pangyayaring ito, mas naging matured na po ako at lumawak na ang aking pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay sa mundong ito. Natutunan ko na rin pong magpahalaga sa buhay.

Everything has a purpose. This experience serves as my inspiration in life. I will apply the lessons I’ve learned to face the future. With God, I know everything would be fine if you just believe and trust Him. This experience made me stronger and defined me as a person.

-Michelle Agader

No comments:

Post a Comment